Maaari nang magpaturok ng booster vaccine ang mga breakthrough COVID-19 patients o fully vaccinated ngunit tinamaan pa rin ng naturang virus.
Matatandaang dati ay naghihintay muna ng ilang buwan, bago mabakunahan ang isang nagpositibo sa SArS-CoV 2.
Pero sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kapag nawala na ang sintomas at natapos na ang isolation period ay maaari na itong tumanggap kaagad ng booster shot.
Sa isang Inter-Agency Task Force (IATF) resolution, ang sinumang tinamaan ng mild Coronavirus symptoms, mapa-healthcare worker man o hindi, kinakailangan itong mag-isolate ng pitong araw mula sa dating sampung araw.
Kapag moderate cases, sampung araw habang kapag severe infections naman ay 21 araw simula nang maramdaman ang sintomas.
Dagdag pa ni Vergeire, mahalaga ang agarang booster shot upang magkaroon muli ng proteksyon laban sa COVID-19 lalo na’t hindi nawawala ang banta ng reinfection.