-- Advertisements --
DOST SEC. DELA PENA
IMAGE | Science Sec. Fortunato de la Pena/Screengrab, DOST-ITDI

MANILA – Sesentro sa “high risk population” ang pag-aaral na gagawin ng bansa ukol sa “booster shot” o pagbibigay ng ikatlong dose ng COVID-19 vaccine.

“Ito ay para sa high risk population na kailangan ng proteksyon,” ani Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato de la Pena sa panayam ng Radyo 5.

Sa susunod na buwan inaasahang magsisimula ang clinical trial sa booster shot, kasabay ng pag-aaral sa “mix and match” o pagbibigay ng magkaibang COVID-19 vaccine brand.

Gusto ring matukoy ng mga dalubhasa kung gaano katagal ang bisa ng mga bakuna.

Naniniwala raw ang mga eksperto ng bansa na ligtas pag-aralan ang vaccine mix and match. Tugon din daw ito sa limitadong supply ng Pilipinas sa bakuna.

“Nandyan yung kung minsan constraint kung kailan dadating ang mga bakuna, especially in the Philippines. Kailangan may maging alternative. Sabi ng mga scientist maaaring may magandang epekto sa mix and match ng vaccine.”

Binigyang diin ng kalihim na mahalaga ang paglulunsad ng hiwalay na clinical trial sa bansa, para makalikom ng datos tungkol sa populasyon ng mga Pilipino.

Tatagal ng 18-buwan ang clinical trial sa vaccine mix and match at booster shot.

“At five different points in time in the future titingnan yung antibodies ng taong nabakunahan para makita kung nakabuti ba yung mix and match o ano ang naging epekto. (Ang sabi ng mga eksperto) habang tumataas ang immunogenicity, bukod sa safety, nakakapag-induce ng maraming antibodies ang tao at nagbibigay ng mas magandang proteksyon.”

Walong lugar sa bansa ang target pagdausan ng naturang clinical trial. Nakikipag-ugnayan na raw ang DOST at Department of Health sa local government units para sa recruitment ng mga study participants.