-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagtutol si Gov. Aris Aumentado at mga alkalde na ilipat ang mga pulis sa Bohol sa lalawigan ng Negros Oriental kasunod ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Sa ipinatawag na emergency meeting, paliwanag ng isang alkalde na tumutol siya dito dahil hindi pa umano ito makakatulong sa pinalawak na programa ng kampanya laban sa droga kung kukunin ang mga regular na pulis at papalitan habang ang isa’y nagpahayag na hindi pa sapat ang 30 pulis para protektahan ang buong bayan.

Ikinagulat naman umano ni Aumentado ang planong pagre-assign ng 375 na pulis mula sa Bohol dahil hindi pa aniya sila kinonsulta muna.

Hindi pa dapat parusahan ang pulisya ng lalawigan kung may mga lapses man ang pwersa ng pulisya sa Negros Oriental.

Iminungkahi naman ng gobernador na kung pwede ang i-mobilize ay mga police personnel mula sa kalapit na probinsya tulad ng Negros Occidental.

Aniya, hiniling pa nito kay Police Regional Office-7 Director PBGen Jerry Bearis ang isang konsiderasyon.

Sinabi ng gobernador na nangangailangan ang kanilang probinsya ng mga tauhan ng pulisya dahil nakatakda pang maghost ang Bohol ng ASEAN forum at mga opisyal na magtutungo sa lugar para sa isang napakahalagang pagtitipon upang harapin ang mga isyung may kinalaman sa intellectual property rights.

Maliban dito, kailangan din nila ang pwersa ng pulisya para magpatupad sa mga polisiya para mapigilang makapasok sa lalawigan ang African Swine Fever (ASF).

Kung hindi man pagbigyan ang kanilang kahilingan, umaasa ang gobernador na kaunti lang na tauhan ang kukunin at ipapadala sa Negros para may matitira pa ring magpapatupad ng seguridad sa lalawigan at iba pang mga gawain.