-- Advertisements --
boeing 737 crash iran

Nakatakdang makipag-usap si Ukrainian President Volodymyr Zelensky kay Iranian President Hassan Rouhani kasunod ng pagbagsak ng kanilang Boeing jet sa Tehran.

Pahayag ito ng Ukrainian president kasabay ng pagdeklara sa January 9 bilang “day of national mourning” sa kanilang bansa kung saan (as of posting time) ay kakasapit pa lamang ng tanghali roon.

Layunin ng 41-anyos na pangulo ng Ukraine na magkaroon ng improvement sa kooperasyon nila ng Iran para madetermina ang sanhi ng plane crash na ikinamatay ng halos 180 katao.

Nabatid na nagtungo na sa Boryspil airport ng Ukraine si Zelensky kung saan nag-alay ito ng mga bulaklak malapit sa larawan ng mga nasawi.

At bagama’t walang balak ang Iran na ipaubaya sa Amerika ang narekober na black box o digital flight data recorder, dumating naman sa Tehran ang nasa 45 Ukrainian experts upang tumulong sa imbestigasyon.

Ito’y kahit pa mayroon nang initial report ang Iranian Civil Aviation authority kung saan lumalabas na nasunog muna ang Ukrainian Airlines flight PS 752 bago tuluyang bumagsak.

Nakasaad din sa report na nag-iba ng direksyon ang eroplano matapos magkaproblema sa ere at babalik sana sa paliparan.

Una nang kumalat ang ispekulasyon na may koneksyon ang Ukraine plane crash tragedy, sa sigalot na nagaganap sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Nabatid na ang US National Transportation Safety Board ang kadalasang may papel sa anumang international investigations na kinasasangkutan ng US-made Boeings pero kailangan pa rin nilang humingi ng permiso sa bansang kasama rin sa iimbestigahan.

Sa ilalim naman ng global aviation rules, may karapatan ang Iran na manguna sa imbestigasyon pero ang mga manufacturers ang may kakayahan daw na mag-analisa sa mga black boxes.

Una rito, engine failure at hindi umano terror attack ang dahilan ng trahedya kung saan bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano ilang minuto lamang matapos nitong mag-take off mula sa Imam Khomeini International Airport sa Tehran.

Kabilang sa mga namatay ang 82 Iranians, 63 Canadian, 11 Ukrainians, 10 Swedish national, apat na Afghans, tatlong Germans at tatlong British nationals, at 15 rito ang bata. (CNN/BBC)