Pinuri ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio ang Intelligence Group (IG), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at X-ray Inspection Project ng ahensya dahil sa kanilang “significant breakthrough” sa kanilang trabaho.
Ito ay kaugnay sa pagsugpo sa smuggling operations sa bansa na humantong sa pagkakasamsam ng P30.86 bilyong halaga ng mga smuggled goods.
Sinabi ni Rubio na saklaw lamang mula Enero 1 hanggang Agosto 4, 2023 ang halaga, ngunit nalampasan na nito ang halaga ng mga kalakal na nasamsam noong 2022 ng P6 bilyon.
Aniya, ang pinalakas na anti-smuggling operations na pinangunahan ng mga pangkat na ito ay nagbunga ng magagandang resulta.
Binigyang-diin niya na ang pangako ng intelligence group na protektahan ang mga hangganan ay nagresulta sa pinakamataas na kabuuang halaga ng mga nasamsam na kalakal sa nakalipas na limang taon.
Una nang nangako ang kawanihan na kanilang gagawin ang lahat upang tuluyang masugpo ang anuman ilegal na gawain at ilegal na pag-aangkat ng iba’t-ibang kalakal sa ating bansa.