Nalagpasan ng Bureau of Customs (BOC) ang target collection nito noong buwan ng Oktubre, 2023.
Batay sa datus ng BOC, umabot sa P78.61 billion ang kabuuang nakulekta nito sa buong buwan ng Oktobre, na mahigit isang bilyong mas mataas kumpara sa target collection na P77.53 billion.
Ito ay katumbas ng 1.4% na pagtaas ng koleksyon.
Ayon sa BOC, ang pagtaas ng koleksyon ay posibleng dahil sa naging inisyatiba nito mapigilan ang smuggling ng ibat ibang mga produkto at maging ang implementasyon ng iba’t-ibang trade efficiency measures.
Mula noong Enero hanggang nitong buwan ng Oktobre, nakakolekta na ang BOC ng P739 billion.
Mas mataas ito ng 2.4% kumpara sa target na P721.78billion.
Kumpara naman noong nakalipas na taon, mas mataas pa rin ang kabuuang koleksyon ng BOC sa unang sampung buwan ng 2023.
Umabot lamang kasi noon sa P713.52 billion ang nakulekta ng BOC. Ang koleksyon ngayong taon ay mas mataas ng 3.6%.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, nagpapatuloy pa rin ang ginagawa ng ahensiya na ibat ibang program upang lalo pang mapataas ang koleksyon nito.