-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Dumating sa simbahan ng parokya ng Our Lady of The Most Holy Rosary sa Barangay Rosario, Malinao, Aklan ang replica ng imahe ng Black Nazarene ng Quiapo.

Nauna nang inihayag ni Rev. Fr. Salvador Piad, kora paroko ng nasabing simbahan na nakipag-ugnayan sila sa kaukulang ahensiya ng gobyerno dahil sa inasahang pagbuhos ng mga parishioner, mga Kristiyanong Katoliko sa Aklan, lalo na ang mga may panata at debosyon sa Black Nazarene.

Ito ay kasunod ng hindi nila inaasahang pagbuhos ng mga tao noong nakaraang taon sa unang pagbisita sa Aklan ng imahe ng Black Nazarene, kung saan marami ang nag-abang sa gilid ng kalsada at sumunod sa convoy.

Sinabi ni Fr. Piad, mula Quiapo ay ibinyahe ang Poong Nazareno at dumaong sa Caticlan Jetty Port bandang alas-10 ng umaga kung saan, nagsagawa sila ng motorcade papunta sa kanilang parokya.

Nagkaroon ng welcome mass bandang alas-5 ng hapon na pinangunahan ni Fr. Douglas Badong ng Quiapo Church at farewell mass naman sa pagbalik nito sa Caticlan.

Magsasagawa rin ng grand procession, misa at youth presentation kasama ang “pahalik” sa imahe ng Black Nazarene.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay inabot ng mahabang oras bago natapos ang paghalik dahil sa dami ng mga deboto na humalik sa laylayan ng damit ng Black Nazarene at pagpahid ng kanilang mga panyo sa krus na pasan ng Itim na Nazareno.

Dadalhin rin ang Poon sa St. Isidore the Farmer Church sa Lezo, Aklan sa Abril 21.