Nanindigan ang nabiyudang asawa ni Russian opposition leader Alexei Navalny na si Yulia Navalnaya na ipagpapatuloy nito ang laban sa Kremlin.
Ito nga ay ilang araw matapos ang biglaang pagkasawi ni Navalny noong nakaraang linggo sa Arctic penal colony na ikinagulat naman ng marami.
Sa isang statement ay muling binigyang-diin ni Navalnaya ang kaniyang akusasyon laban kay Russian President Vladimir Putin na ito umano ang nasa likod ng pagkamatay ng kaniyang asawa.
Kasabay nito ay sinabi rin niya na nagkakaroon umano ng cover-up sa kasong ito sapagkat hindi aniya pinahihintulutan ng mga Russian authorities na ibigay ang mga labi ni Navalny sa kaniyang ina.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Navalnaya ang lahat na magkilos-protesta at lumaban.
Kung maaalala, una nang sinabi ng Russian authorities na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin matukoy ang sanhi ng pagkamatay ni Navalny.
Habang maraming mga Western leaders din ang nag-akusa kay Putin na responsable umano sa pagkamatay nito.