Muling maglalakbay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington, D.C. para sa limang araw ng official visit simula April 30 hanggang May 4, 2023 na naglalayong muling pagtibayin ang espesyal na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ang itinerary ng Pangulo ay magsisimula sa May 1 sa isang pulong kasama si U.S. President Joe Biden, na susundan ng isang pinalawak na pagpupulong kasama ang mga pangunahing opisyal ng Gabinete.
Inaasahang lalong magpapatibay sa relasyon ng Pilipinas at ng Estados Unidos ang nakatakdang official visit ng Pangulo.
Ayon sa Presidential Communications Office, sa nasabing biyahe ng Punong Ehekutibo, magkakaharap ang Pangulong Marcos at si US President Joe Biden para sa isang bilateral meeting na susundan pa ng expanded meeting kasama ang ilang key Cabinet officials.
Naniniwala ang PCO na sa nasabing biyahe ng Pangulo lalo pang lalalim ang relasyon at political ties ng dalawang bansa at magdudulot din ng mas malakas na defense and security cooperation.
Asahan din na mailalatag ang socio-economic and development priorities ng Marcos administrasyon at makakuha ng partnership na may kinalaman sa agriculture, energy, climate change, digital transformation and technology, humanitarian assistance and disaster relief, supply chains, at infrastructure.
Ang Amerika ay isang major bilateral trade and official development assistance partner ng Pilipinas.
Itatampok ng paglalakbay ang matatag na pangako ng magkabilang panig na maging maaasahan at matatag na mga kaalyado at kasosyo sa panahon ng krisis at kasaganaan, sa gitna ng isang mapaghamong kapaligiran sa mundo at rehiyon.
Asahan na pag-uusapan din sa bilateral meeting nina Pangulong Marcos at US Joe Biden ang isyu sa West Phl Sea.
Kamakailan inihayag ni Pang Marcos na nakatakda niya kausapin si Chinese Ambassador to the Philippines na si Huang Xilian kaugnay sa naging pahayag nito sa mga OFW sa Taiwan.
Sa kabilang dako, inanunsiyo ni White House Press Secretary Karin Jean-Pierre na tatanggapin ni US President Joe Biden ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House sa May 1.
Sa isang statement na inilabas ng US Embassy sa Manila, inihayag ng Whitehouse Press Secretary na titiyakin ni President Biden sa Pangulong Marcos ang “ironclad commitment” ng Estados Unidos na ipagtanggol ang Pilipinas.
Sa kanilang pulong bilateral, pag-uusapan aniya ng dalawang Pangulo ang mga hakbang upang lalong mapalakas ang alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Tatalakayin din ng dalawang lider ang iba’t ibang oportunidad para mapailalim ang kooperasyong pang-ekonomiya at pagsulong ng “inclusive prosperity.
Kasama din aniya sa mga paguusapan ang pagpapalawak ng “people to people ties”, pamumuhunan sa “clean energy transition”, pag-laban sa climate change, at paggalang sa karapatang pantao.
Magiging paksa din ng dalawang lider ang mga isyung pang-rehiyon at ang pagtataguyod ng malaya at bukas na Indo-Pacific Region.










