-- Advertisements --

Nanawagan si Most Reverend Jose Colin Bagaforo Bishop, Diocese ng Kidapawan, sa ating mga kababayan na magparehistro at makiisa sa magaganap na halalan sa susunod na taon.

Pahayag ito ni Bishop Bagaforo nang magtungo sa Kampo Krame bilang panauhing pandangal sa 29th Chaplain Service Anniversary.

Pumirma rin ng kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at ang Simbahang Katolika para mapalakas pa ang ugnayan sa isa’t isa.

Ang nasabing covenant ay tinawag na USAP (Ugnayan ng Simbahan at Pulisya).

Ayon kay Bishop Bagaforo, “very timely” ang event lalot nahaharap sa iba’t ibang isyu ang ating pamahalaan.

Ngunit ngayong magkahawak-kamay na ang simbahan at pulisya, magtutulungan sila para magkaroon ng mabubuting pinuno ang Pilipinas.

Binigyang-diin ng obispo sa publiko na dapat pumili ng karapat-dapat na lider na may kakayahang mamahala, may takot sa Diyos at moral ascendancy, at tinitignan ang kapakanan at kabutihan ng taongbayan.

Dagdag nito, 100 percent na suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang programa ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar lalo na ang isinusulong nitong intensified cleanliness policy.

“Napakahalaga po ‘yun sapagkat kung ang ating mga pinuno ng ating bayan ay walang takot sa Diyos, naku ang ating bayan ay lulubog sa kasalanan at hindi tayo uunlad,” pahayag ni Most Rev. Jose Colin Bagaforo.