-- Advertisements --
Bishop Antonio accident 2

CAUAYAN CITY– Labis ang pasasalamat ni Bishop David William Antonio ng Diocese of Ilagan sa Poong Maykapal matapos makaligtas sa bumaliktad niyang sasakyan sa San Miguel, Luna, Isabela.

Galing sa San Mateo, Isabela at pauwi na sana si Bishop Antonio sa Gamu, Isabela nang pumutok mangyari ang insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Bishop Antonio na matapos pumutok ang gulong sa harapan ng sasakyan ay nasagi pa nito ang kasalubong na trailer truck.

Natanggal ang isang gulong ng sasakyan kaya nawalan siya ng kontrol sa manibela, nahulog sa daan at bumaliktad.

Wala rin aniya siyang natamong sugat o bali sa katawan matapos sumailalim sa X-ray na marahil ay dahil na rin sa mga nagdasal para sa kanyang kaligtasan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Cpl. Ardie Mateo, investigator ng Luna Police Station, sinabi niya na pumutok ang kaliwang gulong ng sasakyan kaya napunta sa kabilang linya ng daan at bumangga sa harapang bahagi ng truck.

Ang driver ng trailer truck na naglalaman ng mga saku-sakong bigas ay nagngangalang Ryan Tamayo, 28-anyos, may-asawa at residente ng Peñablanca, Cagayan.

Nagtamo ng sira ang dalawang sasakyan ngunit mapalad na hindi nasugatan si Bishop Antonio gayundin ang truck driver.

Nagkasundo ang magkabilang panig na kanya-kanyang ipaayos na lamang ang kanilang minamanehong sasakyan.