-- Advertisements --
BIR 1

Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng updated na listahan ng value added tax (VAT)-exempt na mga gamot para sa iba’t ibang sakit tulad ng cancer, hypertension at diabetes.

Sa pinakahuling revenue memorandum circular nito, inaprubahan ng BIR ang listahan ng 12 porsiyentong VAT-exempt na produkto sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.

Ito ay matapos iendorso ng Food and Drug Administration ng Department of Health (DOH) ang updated na listahan.

Sakop ng nasabing circular ang pagsasama ng ilang mga gamot para sa cancer, diabetes, high cholesterol, hypertension, kidney diseases, mental illness at tuberculosis.

May kabuuang 59 na gamot ang idinagdag sa listahan, na may halos kalahati o 25 para sa paggamot ng kanser. May 11 uri ng gamot para sa sakit sa bato, 10 para sa diabetes at anim naman para sa hypertension.

Ang VAT exemption ay naglalayong gawing mas abot-kaya ang ilang mga gamot sa mga mamimili.

Dagdag dito, ang data mula sa Philippine Statistics Authority ay nagpakita na ang tatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa noong nakaraang taon ay sakit sa puso, cancer at cerebrovascular disease.

Kung matatandaan, noong unang bahagi ng linggong ito, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na muling binibisita ng gobyerno ang pagpapatupad ng VAT system sa bansa, habang isinusulong ang pagpapawalang-bisa sa ilang exemptions.