Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 23-2026 upang gawing mas malinaw at mas simple ang proseso ng pag-avail ng tax incentives para sa mga pribadong sektor na nakikipag-partner sa mga programang pang-edukasyon.
Nilinaw ng circular ang implementasyon ng Revenue Regulations No. 13-2025 matapos magpahayag ng pangamba ang ilang stakeholders hinggil sa compliance requirements at procedural gaps.
Sa ilalim ng RMC, mas malinaw na itinakda ang mga alituntunin sa pagsusumite ng documentary requirements, accreditation, certification, at reporting processes upang mas madali para sa pribadong sektor na makakuha ng tax incentives na kaugnay ng education-related programs.
Saklaw ng mga insentibo ang mga inisyatiba sa ilalim ng mga batas gaya ng Adopt-a-School Act of 1998, Enterprise-Based Education and Training Framework Act, at ilang probisyon ng Tax Code.
Ayon sa BIR, layunin ng bagong panuntunan na bawasan ang administrative burden, alisin ang mga kalabuan, at tiyakin ang mas pare-parehong aplikasyon ng tax incentives.
Binibigyang-diin ng ahensya na ang hakbang na ito ay kaakibat ng mas malawak na layunin na palakasin ang workforce development, palawakin ang access sa edukasyon, at hikayatin ang mas aktibong partisipasyon ng industriya sa training at skills development.
Inaasahan na magbibigay-daan ito sa mas malawak na partisipasyon ng pribadong sektor sa mga education programs, habang tinitiyak ang tamang compliance at accountability.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, “With the issuance of RMC No. 23-2026, we are making it simpler and faster for the private sector to access the tax incentives they earn by supporting Philippine education.”
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng streamlined procedures, muling pinagtitibay ng BIR ang kanilang commitment sa isang transparent at efficient tax system na magpapalakas sa mga partner na mag-invest sa Filipino workforce at makibahagi sa pambansang kaunlaran.
















