Tinatayang aabot sa P170 billion kada taon ang mawawalang kita ng pamahalaan kung aalisin ang value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, ayon ‘yan kay Energy Secretary Sharon Garin noong Biyernes, Abril 10, 2026.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Garin na ang VAT sa petroleum products ay nagdudulot ng malaking bahagi ng koleksyon ng gobyerno, kaya’t ang pagtanggal nito ay magreresulta rin sa malaking kakulangan sa kita ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, kinakailangan ng amyenda sa umiiral na batas bago maipatupad ang pagtanggal ng VAT sa fuel products.
Samantala, iginiit naman ni Marikina Representative Miro Quimbo na maaaring lalong lumala ang sitwasyon ng bansa kung aalisin ang VAT, lalo na sa gitna ng patuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Nag-ugat ang pagtaas ng presyo ng langis matapos ang anim na Linggong digmaan sa rehiyon, na lalong nagpalala ng krisis sa Strait of Hormuz, na isa sa mga pangunahing ruta ng pandaigdigang suplay ng langis na nagpapalala sa pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Dahil dito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, na nakaapekto sa Pilipinas na umaasa sa humigit-kumulang 98% ng suplay ng krudo mula sa Middle East.
Sa kasalukuyan, lumampas na sa P100 kada litro ang presyo ng fuel sa nakalipas na dalawang linggo, na lalong nagpapabigat sa sektor ng transportasyon at sa pangkalahatang gastusin ng mga mamamayang Pilipino.
















