Isinumite ni Ramil Madriaga ang waiver sa bank secrecy law upang payagan ang imbestigasyon sa kanyang bank records.
Ito ay kasunod ng kaniyang pag-amin na naging “bank dummy” siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, Abril 14.
Kinumpirma naman ni Justice Committee chair Rep. Gerville Luistro ang pagtanggap ng komite ng waiver, na nagbibigay-daan upang masuri ang mga account na binanggit ni Madriaga sa kanyang affidavit.
Inamin ni Madriaga na bagama’t limitado ang kanyang kita, milyun-milyong piso ang pumasok sa mga account na nakapangalan sa kanya, na umano’y binuksan ng mga malalapit sa dating Pangulo para sa intelligence operations at money laundering.
Aniya, pinapirma rin siya sa mga tsekeng walang laman.
Binanggit niya ang ilang bangko sa Makati City, Pasig City, at Lubao kung saan umano dumaan ang mga transaksyon.
Ang testimonya ni Madriaga ay bahagi ng pagdinig sa impeachment laban kay VP Sara, na mariing pinabulaanan ang mga alegasyon at nagsampa ng kasong perjury laban kay Madriaga.
















