-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Prosecution Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na posibleng maging pinakamahalagang ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang selyadong BIR box na naglalaman ng mga income tax return at iba pang financial records, na ayon sa kanya ay mahalaga upang masuri ang alegasyon ng unexplained wealth sa pamamagitan ng paghahambing sa SALN ng Bise Presidente.

Giit ni Adiong, ang pagbubukas ng kahon ay bahagi lamang ng inventory at pagmamarka ng mga dokumento at hindi pa awtomatikong pagtanggap bilang ebidensya, ngunit nananatiling tutol ang kampo ni Duterte sa hakbang na ito.

Samantala, iginiit ng defense spokesperson na si Atty. Michael Poa na maaga pa para husgahan ang usapin dahil ang Senate Impeachment Court lamang ang may kapangyarihang magpasya sa mga mosyon ng magkabilang panig, at nararapat na mabigyan muna ng pagkakataon ang depensa na tumugon bago magkaroon ng anumang konklusyon sa publiko.

Dagdag pa ng depensa, lahat ng usapin kaugnay ng BIR box ay dapat dumaan sa tamang proseso ng korte.

Sa ngayon, nananatiling nasa kustodiya ng impeachment court ang kahon at nakabinbin ang desisyon kung tatanggapin ito bilang opisyal na ebidensya sa paglilitis.

Ang usaping ito ay inaasahang magiging sentro ng diskusyon sa mga susunod na yugto ng impeachment trial.