-- Advertisements --

Dumalo ang P-pop girl group na BINI sa isang send-off at thanksgiving mass bilang paghahanda sa kanilang nalalapit na pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival.

Idinaos ang misa noong Lunes, Marso 23, sa Chapel of the Annunciation of Our Lord, kung saan spotted ang walong (8) miyembro na sina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena.

Ayon sa grupo, mahalaga sa kanila ang pagdarasal bago ang bawat malaking gawain. Ibinahagi ni Jhoanna na nakagawian na nilang magsagawa ng misa sa bawat event bilang pasasalamat at paghingi ng gabay.

Samantala, aminado si Mikha na hindi pa rin lubos na nagsi-sink in sa kanila ang makasaysayang pagkakataon na makapagtanghal sa Coachella, ngunit handa silang ibigay ang kanilang isang daang posyentong performances.

Nauna nang nagdaos ang BINI ng send-off event sa Market! Market! sa Taguig na dinaluhan ng humigit-kumulang 15,800 fans o “Blooms,” kung saan inanunsyo rin nila ang kanilang bagong EP na “Signals” na ilalabas naman sa Abril 9.

Nakatakdang magtanghal ang BINI sa Coachella sa Abril 10 at 17, at magiging kauna-unahang Filipino homegrown group na aakyat sa naturang international music festival.