-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nasugatan ang isang binatilyo matapos na bumangga ang minamanehong motorsiklo sa trailer truck sa Barangay Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ang nasugatan ay si Johnly Batara, 16 anyos, out of School youth, at residente ng Ibung Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ang tsuper ng Isuzu Elf truck ay si Roland Soriano, 30 anyos, binata, isang reaper operator at residente ng Baggao, Cagayan.

Batay sa pagsisiyasat ng mga awtoridad lumalabas na papasok na sa isang compound ang minamanehong Elf truck ni Soriano nang biglang sumalpok ang motorsiklo ni Batara na nagmula sa kasalungat na direksiyon.

Bilang resulta ay natumba ang motorsiklo at ang biktima sa daan.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang binatilyo na agad dinala sa Region 2 Trauma Center.

Sa panayam ng bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Staff Sgt. Marlon Payacgi, tagasiyasat ng Villaverde Police Station na lumabas sa kanilang imbestigasyon na lango sa alak si Batara nang maganap ang aksidente.

Nagpahayag ang magkabilang panig na bukas sila sa pakikipag-ayos.