CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang binatilyo dahil sa paratang na panggagahasa sa isang anim na taong gulang na batang babae.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Melisa Gulan, hepe ng Kasibu Police Station, sinabi niya na binigyan ng suspek ng P20 ang bata at pinasunod sa ilalim ng isang tulay sa kanilang lugar.

Sa nasabing lugar, isinakatuparan umano ng 15-anyos na suspek ang panggagahasa sa biktima na Grade 1 pupil.

Ayon kay Gulan, sinabi ng ama ng biktima na hinanap niya ang anak nang hindi pa nakauwi dakong alas-6:00 ng gabi hanggang sa natagpuan sa kanilang paaralan na umiiyak.

Nang tanungin, umamin ang bata sa ginawa sa kanya ng suspek kaya agad silang nagsumbong sa himpilan ng pulisya.

Inihahanda na ang kasong rape na isasampa laban sa binatilyo matapos magbigay ng sertipikasyon ang Department of Social Welfare and Development na alam niya ang ginawang kahalayan sa bata.