-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nilinaw ni Kagawad Felix Lariba ng Brgy. Masao nitong lungsod ng Butuan na ang insidente ng pagkalunod ng tatlong kabataang lalaki kahapon, sa Araw ng Pagkabuhay, ay naganap sa bahagi ng sabang —isang lugar kung saan dumadaloy ang tubig mula sa ilog patungong dagat.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, sinabi ng konsehal na pasado alas-tres ng hapon nang tangkain ng tatlo na tumawid sa kabilang bahagi ng baybayin sa pamamagitan ng sabang.

Ngunit dahil sa lakas ng agos ng tubig, natangay sila na naging sanhi ng kanilang sinapit.

Dalawa ang nailigtas, ngunit huli na ang lahat para sa isang 15-anyos na binatilyo matapos na hindi na siya umabot pang buhay sa ospital.

Matatandaang nakita ng nagbu-boating na si Ronnel Nuñez, ang dalawang kabataang halos malunod na kaya’t agad niya itong tinulungan at matagumpay na nailigtas.

Subalit huli na niyang namataan ang 15-anyos na si alyas Dodong mula sa Tambak, Purok 10, Lower Doongan, na nasa ilalim na ng tubig.

Agad niya itong ini-ahon at binigyan ng CPR o cardiopulmonary resuscitation hanggang sa dumating ang mga rescuers na nagdala sa kanya sa ospital kung saan siya idineklarang dead-on-arrival.