-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin ang Hong Kong actress na si Franchesca Wong na gumanap bilang isang Filipino domestic worker sa isang primetime television drama.

Ito ay matapos na umere ang ika-pitong episode ng seryeng Barrack O’Karma 1968 na umani samu’t saring reaksyon online at gayundin ng kritisismo mula sa Philippine consul general sa Hong Kong.

Sa isang statement ay sinabi ni Wong na hindi raw niya intensyon na i-discriminate ang anumang lahi o ethnic group kasabay ng kanyang paghingi ng tawad ukol sa kanyang naging aksyon.

Aniya ang karanasan niyang ito ay magsisilbing aral sa kanya na ang sining ay malalim na sumasalamin sa ugat ng social attitudes.

Magugunita na una nang nagviral online ang isang video ni Wong na naglalagay ng brown na makeup sa kanyang balat habang ginagaya ang accent ng mga Pilipino sa katawa-tawang pamamaraan.

Tinawagan naman ito ng pansin ni Philippine Consul General Raly Tejada at sinabing ignorante, insensitive at kasuklam-suklam ang palabas na ito.