CENTRAL MINDANAO – Patay na nang matagpuan ang isang binata matapos magbigti sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Jeric Bandila, 25, traysikel driver at residente ng Purok Bayabas, Barangay Central Glad, Midsayap, Cotabato.
Batay sa salaysay ng pamilya ng biktima, nagtaka na lamang umano sila na mag-aalas 7:00 na ng umaga ay hindi pa ito nakalabas ng kanyang kwarto sa loob ng kanilang tahanan.
Dahil dito, pinasok na ito ng kaniyang kapatid at laking gulat na lang nito na makitang nakalambitin gamit ang kanyang sinturon at wala ng buhay ang biktima.
Nakita naman sa kwarto ng biktima ang cellphone nito na patuloy na rumurolyo ang video recorder.
Sa ginawang pagsisiyasat ng mga kawani ng PNP-Midsayap sa kuhang video ay dito isinalaysay ni Bandila ang kaniyang problema sa nobya na nasa ibang bansa at pati na sa kaniyang sariling buhay na naging dahilan ng kaniyang pagpapakamatay.
Pagkatapos nitong ilabas ang kaniyang pighati ay nakuhanan din ng video ang ginawang pagkakamatay ng biktima.
Wala namang nakita foul play ang Midsayap PNP sa kanilang imbestigasyon sa pagbigti ng binata.