Ibinunyag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang panibago umanong anomalya sa Department of Agriculture na may kumukulekta na P5 hanggang P7 sa bawat kilo ng inaangkat na baboy.
Ayon kay Lacson, nakakapagbigay ng ganitong “tong-pats” ang mga pork importer dahil aabot sa P44.64 ang kanilang kita sa bawat kilo ng baboy na naibebenta nila sa halagang P284 kada kilo.
Giit ng senador, kung matutuloy ang rekomendasyon ng DA na itaas sa 400,000,000 kilo ang aangkating baboy at ibaba ang taripa sa lima hanggang 10 porsyento ay tiyak na madodoble ang kita ng ilang tiwali sa ahensya.
Sabi pa ni Lacson, maaring makalikom dito ng P4 hanggang P6 billion na “tong-pats” ang mga gahaman sa DA.
Kaugnay nito ay nananawagan si Lacson sa Presidential Anti-Crime Commission na agad imbestigahan ang nabanggit na korapsyon.










