-- Advertisements --

Umakyat na sa 21 ang bilang ng mga nasawi sa flash flood at landslide sa isla ng Sumatra sa Indonesia, at anim pa umano ang nawawala, ayon sa isang opisyal.

Ang malakas na pag-ulan noong Huwebes ay nagdulot ng sakuna sa Pesisir Selatan regency sa West Sumatra province, kung saan mahigit 75,000 katao ang napilitang lumikas.

Isang nayon na matatagpuan sa gilid ng burol sa Sutera subdistrict ang tinamaan nang husto, kung saan humigit-kumulang 200 pamilya sa lugar ang naiwang isolated pagkatapos ng landslide na sinundan ng flash flood, ayon kay Fajar Sukma, isang opisyal mula sa West Sumatra disaster mitigation agency.

Ayon din sa local search and rescue official na si Abdul Malik, hinahanap na ng mga rescuer ang mga nawawala habang tinututokan naman ng mga awtoridad ang tatlong lugar na lubhang apektado ng mga naturang sakuna.

Batay naman sa ulat ni Doni Gusrizal, isang senior official mula sa disaster mitigation agency ng Pesisir Selatan, nagsimula nang humupa ang tubig pagkatapos ng pagbaha, pero hirap pa rin umano ang access sa mga lugar na apektado ng landslide dahil sa maburol na lupain.

Samantala nauna na ring iniulat na sa Padang Pariaman regency, sa West Sumatra, ang malakas na buhos ng ulan naman noong unang bahagi ng linggo ay nagdulot ng pag-apaw ng mga ilog, pagbaha at pagguho ng lupa, na ikinamatay naman ng hindi bababa sa tatlong tao.