Posible pang umabot ng hanggang 160,000 ang bilang ng mga pasaherong inaasahang dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange ngayong araw.
Ito ang inihayag ni PITX General Manager Jayson Salvador sa gitna ng patuloy na pagsisidatingan ng mga biyahero sa naturang terminal dalawang araw bago ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Lunes, Oktubre 31, 2023.
Paliwanag ng opisyal, posibleng umabot mula 150,000 hanggang 160,000 ang peak ng bilang ng mga pasahero sa PITX dahil weekend ngayon at inaasahan din na sasamantalahin ito ng marami sa ating mga kababayan para maka byahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Samantala, kaugnay nito ay sinabi rin ni Salvador na posible pang magtagal ang pagdagsa ng mga pasahero hanggang sa pagtatapos ng long weekend dahil ito na ang panahon ng pagsisibalikan ng mga biyaherong lumuwas sa kani-kanilang mga probinsya.
Gayunpaman ay tiniyak ng pamunuan ng PITX na patuloy ang kanilang isinasagawang pagsusumikap upang masigurong magiging ligtas, maayos, at mapayapa ang magiging biyahe ng lahat ng kanilang mga pasahero.