Nadagdagan pa ang bilang ng mga napapaulat na nasawi sa pananalasa ng Bagyong Egay sa ating bansa.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pumalo na sa 14 ang bilang ng iniwang patay ng nasabing bagyo.
Sa naturang bilang, anim sa mga ito ay kumpirmado na ng ahensya kung saan lima rito ang nagmula sa Cordillera Administrative Region, habang ang isa naman ay naitala sa Western Visayas.
Bukod dito ay iniulat din ng ahensya na kasalukuyan ay mayroon pa silang bineberipika na walo pang mga indibidwal na napaulat na nasawi rin mula sa pananalasa ng bagyong Egay.
Samantala, sinabi rin ng NDRRMC na mayroong ding 13 mga indibidwal ang nasaktan nang dahil pa rin sa bagyong Egay, habang 20 katao naman ang nananatiling nawawala.