BOMBO DAGUPAN – Nadagdagan pa at umabot na sa 38 katao ang nasawi sa naganap na pamamaril ng dating pulis sa isang daycare center sa Nong Bua Lamphu province sa Thailand.
Karamihan sa mga biktima ay mga bata at ilan dito ay nasa matinding kalagayan.
Ayon kay Klarisse Dismaya Vingua, Bombo International news correspondent sa Thailand, kinilala ang suspek na si Panya Khamrab, 34-anyos na dating pulis na tinanggal sa serbisyo dahil napag alaman na siya ay gumagamit ng illegal na droga.
Pinasok umano ng suspek ang paaralan kung saan walang habas itong pinagbabaril habang nagkaklase pa ang mga bata.
At habang tumatakas ang suspek sakay ng kanyang pick up ay patuloy na namamaril sa mga tao hanggang sa pag uwi nito ay binaril din ang asawa at anak bago tuluyang magpakamatay.
Samantala, saad pa ni Vingua, hindi lang ito ang unang insidente ng pamamaril sa Thailand dahil noong buwan ng Pebrero ay isang sundalo naman ang nakapatay sa 29 katao sa ginawang pamamaril sa isang mall.