-- Advertisements --

Tuluy-tuloy ang pagsisikap ng Sandiganbayan na maresolba ang mga nakabinbing mga kaso laban sa mga public official, mga empleyado at mga pribidaong indibidwal na may kaso sa anti-graft court.

Batay sa Statistics on Cases Filed, Pending and Disposed noong Disyembre 31, 2023, nabawasan ang bilang ng mga kaso noong 2023 na nasa 1,490 na lamang kumpara noong 2022 na mayroong 2,339 cases.

Ang pagbaba ng bilang ng mga nakabinbing mga kaso ay iniugnay sa naibasurang kaso ng korte at mababang bilang ng mga kaso na inihain ng Office of the Ombudsman.

Noong 2023, aabot sa 1,353 kaso ang ibinasura ng Sandiganbayan habang noong 2020 bunsod ng COVID-19, tanging nasa 340 lamang ang naibasurang kaso, 366 noong 2021 at 775 noong 2022.

Sa mga nakalipas na taon, bumaba naman sa 263 ang kasong inihain ng Ombudsman noong 2023.

Samantala, batay sa datos, ang pinakamababang bilang ng mga nakabinbing kaso na naitala ng Sandiganbayan ay noong 1979 na nasa 543 lamang.