-- Advertisements --

Bumaba pa lalo ang bilang ng mga sumusuporta o nagsabi na dapat ituloy na ang pagdaraos ng 2020 Tokyo Olympics ngayong taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Mahigit 80 percent sa mga tinanong ng Kyodo news agency ang nagsabi na dapat kanselahin o ipagpaliban ulit ang 2020 Tokyo Olympics.

Mas mataas ito kumpara sa nasa 60 percent na naitala naman sa survey na isinagawa noong Disyembre 6.

Pero ayon sa mga organizers ng 2020 Tokyo Olympics, dapat nang matuloy ngayong taon ang naturang sporting event kahit pa idineklara ang state of emergency sa malaking bahagi ng Tokyo dahil sa surge ng COVID-19 cases.

Gayunman ang isang buwan na emergency sa Tokyo at mga kalapit na prefectures nito ay hindi gaanong strikto kung ikukumpara sa mga lockdowns na makikita sa ibang panig ng mundo.

Ayon kay Prime Minister Yoshihide Suga, committed ang Japan na idaos ang Olympics sa ligtas at secure na pamamaraan.

Naniniwala aniya siya na magbabago ang saloobin ng publiko sa oras na masimulan na ang vaccination program sa bansa, na sa ngayon ay nakatakda sa darating na Pebrero.