Gagawin nang basehan bilang performance ng mga pulis ang bilang ng mga naaresto nilang indibidwal lalo na kung may mga kaugnayan ito sa mga drugs na siyang alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hulihin at arestuhin ang mga small-scale drug offenders para matapos na ang mga isyu sa droga sa loob ng bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III, kasama na sa magiging metrics ang paramihan ng mga naaresto.
Aniya, kung talagang magaling ang isang pulis, hindi aniya papayag ang mga ito na malayang nakakapaglibot ang mga kriminal sa mga lansangan ng bansa at isa lamang aniya ang solusyon dito at ito aya sa pamamagitan ng pagaresto sa mga ito ng naaayon sa batas at walang nilalabag na karapatang pantao.
Pagtitiyak naman ng hepe, kung sakali mang makakita ang mga otoridad ng posibleng pangaabuso sa direktiba niyang ito bilang hepe ay nakahanda ang internal discipline ng PNP para talakayin ang mga isyu.
Aniya, andyan naman ang mga human rights practitioner, ang media at maging ang mga abogado kaya kung sakali man aniyang may magreklamo ay andyan naman umano ang Internal Affairs Service para imbestigahan at tignan kung tama ba ang naging proseso ng naging pag-aresto.
Sa kabilang banda naman, naalarma ang Commission on Human Rights (CHR) sa naging direktibang ito ni Torre at inihayag na dapat magbigay ng mas malinaw na utos ang hepe sa kaniyang mga kapulisan.
Ani CHR Commissioner Beda Epres, naniniwala ang kanilang tanggapan na hindi dapat maging sukatan ng performance ng mga pulis ang bilang ng mga maaresto ng mga ito habang nasa serbisyo at ito dapat ay nkabatay sa kung sino san kaniyang mga tauhan ang sumailalim sa mga legal na proseso bago ang pagaresto.
Dagdag pa ng Commisioner, ikinatatakot lamang nila na maabuso ang pagsunod ng mga pulis sa direktibang ito ng bagong hepe kung hindi agad lilinawin ang naturang utos.