-- Advertisements --
image 209

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sumampa na sa mahigit 17,000 katao ang inilikas bunsod ng nagpapatuloy na pag-alburuto ng Bulkang Mayon.

Base sa latest situational report ng ahensiya, nasa kabuuang 17,216 katao o 4,813 pamilya ang inilikas na sa mga evacuation centers habang nasa 725 indibidwal o 200 pamilya naman ang pansamantalang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.

Sa datos naman ng Department of Education (DepEd) mula noong Hunyo 12, nasa 18 paaralan sa mga munisipalidad ng Camalig, Daraga, Guinobatan, at Malilipot ang nagkansela ng mga klase.

Samantala, iniulat naman ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na nasa 35 indibidwal na inilikas sa lalawigan ng Albay dahil sa pag-alburuto ng Bulkang Mayon ang nakaranas ng respiratory illness gaya ng pag-ubo, sipon at sore throat.

Subalit paglilinaw ng DOH na ang naturang mga sakit ay hindi pa kumpirmado na adverse effects ng sulfur dioxide at ashfall na ibinuga ng bulkan.

Nitong umaga ng Huwebes, nakapagtala ng dalawang volcanic earthquakes sa bulkan, 306 rockfall events at 3 ang naitalang pyroclastic density current events.