Sa kabila ng inaasahang pagdagsaan ng mga pasahero sa mga bus terminals, tiniyak ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na sapat ang bilang ng mga pampublikong bus na pinayagang makabiyahe.
Ayon sa kalihim, una nilang inabisuhan ang mga kumpanya ng bus na dagdagan ang bilang ng mga gagamiting bus, ilang linggo bago pa man ang mahabang-weekend.
Maliban sa mga dati nang bumibiyaheng bus na may ibat ibang mga ruta, may mga naidagdag pang bus units na pinayagang makabiyahe upang matugunan ang dagsa ng mga pasahero.
Kabuuang 770 special permits ang una nang na-isyu ng ahensiya sa mga bus companies simula pa noong Oktobre-20, 2023
Ayon naman kay LTFRB Officer-in-Charge Mercy Leynes, maaari pang mag-isyu ang transportation board ng dagdag na permits kung makikita nila ang pangangailangan dito.
Maaari aniyang gawin din nila ang on-the-spot issuance ng mga permit para sa karagdagang bilang ng mga idedeploy na bus.