-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Lumobo pa sa 689 na mga baboy ang naisilalim sa culling operation mula sa apat na barangay ng Misamis Oriental at Cagayan de Oro City.

Puspusan ang house to house visit ng mga bumubuo ng task force upang tuntunin ang mga residente na mayroong mga alagang mga baboy partikular sa mga napasok ng African Swine Fever (ASF) sa mga barangay ng Manticao at Initao ng lalawigan at dalawang iba pa na lugar sa Cagayan de Oro City.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Misamis Oriental Provincial Veterinary Office head Dr Benjie Resma na nasa inisyal na 441 na mga baboy na ang nailibing habang may isasagawa pa na culling operation sa bayan ng Initao nitong araw.

Inihayag ni Resma na ilalabas na rin ni Provincial Gov Bambi Emano ang isang executive order upang wala munang pag-transport ng mga baboy sa buong lalawigan para maiwasan na aabot sa ibang lugar ang ASF.

Samantala,inihayag naman ni City Veterinary Office head Dr Lucien Anthony Acac na nasa 248 na mga baboy rin ang kanilang nailibing na kinabilangan ng 176 mula sa Barangay San Simon at 72 sa Brgy. Mambuaya ng lungsod.

Inaabutan naman ang backyard raisers ng tig-P2,000 bilang pagdagdag na cash assistance mula sa Department of Agriculture (DA).

Kaugnay nito, nakatakdang makipagkita si DA Secretary William Dar sa grupo ng hog raisers sa rehiyon at pupunta rin ito sa virtual press briefing ni City Mayor Oscar Moreno sa city hall mamayang tanghali nitong lungsod.