Sa kabila ng patuloy na nararanasang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa lalawigan ng Davao ay iniulat ng Office of the Civil Defense na nananatiling kakaunti lamang ang bilang ng mga indibidwal na apektado nito.
Ayon kay OCD Davao Region Director Ednar Dayanghirang, ito ay resulta ng agarang preemptive evacuation na ikinasa ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office bilang tugon sa magiging epekto ng naturang sama ng panahon.
Bukod dito ay ipinunto rin ng opisyal na ang positibong pag-uugali aniya ng mga Dabawensyos ay nag-ambag din sa mas kakaunting bilang ng mga casualties na nasawi at nasugatan nang dahil sa nararanasang walang patid na pag-ulan sa mga apektadong mga lugar.
Resulta rin aniya ito ng ginagawang capacity building at training ng ibinigay ng OCD sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.
Kaugnay nito ay tiniyak naman OCD na ipagpapatuloy nito ang kanilang mga programa na planong palawigin pa sa mas maraming sektor kabilang na ang mga komunidad ng mga katutubong Pilipino, at maging ang urban at rural Muslim communities.
Sa panig naman ni OCD Deputy Adminstrator for Operations, Assistant Secretary Hernando Caraig Jr. ay siniguro niya mahigpit na magbabantay at makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga kinauukulan upang alamin ang epekto ng nararanasang weather disturbance sa lugar.
Layunin nito na tiyaking makakapagpaabot ng sapat na tulong gobyerno sa mga kababayan nating apektado ng nasabing masamang lagay ng panahon.
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng regional dialogues ang OCD para talakayin ang mga suliraning kinakaharap ng rehiyon sa usaping may kaugnayan pagbaha at paggguho ng lupa sa Davao region.