Makalipas ang ilang araw magmula nang magkaroon ng phreatic eruption ang Taal Volcano, patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na napilitang lisanin ang kanilang tahanan.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Batangas, aabot na sa 26,294 ang bilang ng pamilya o 121,455 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 373 evacuation centers hanggang kaninang alas-5:00 ng umaga.

Tinatayang aabot naman sa P547,946,704 ang halaga ng pinsalang idinulot nang pagputok ng Bulkang Taal sa agrikultura sa probinsya ng Batangas.

Sa ngayon, wala pa ring kuryente sa munisipalidad ng San Nicolas, Agoncillo, Talisay at Laurel Batangas, habang unti-unti naman nang naibabalik ang sa Tanauan City.

Nakataas pa rin sa ngayon ang Alert Level 4 sa Taal Volcano, kaya mahigpit pa ring binabantayan ng Batangas PDRRMO ang sitwasyon sa buong probinsya kabilang na ang mga panibagong bitak sa lupa na nakita kamakailan lamang.

-- Advertisement --

Ang intense seismic activity na ito ay indikasyon ayon sa Batangas PDRRMO nang paggalaw ng magma sa ilalim ng Taal, na pinangangambahang magresulta sa mas malakas na pagsabog.