Naniniwala ang isang maritime law expert mula sa University of the Philippines na ang biglaang desisyon ng pamahalaan na magpadala ng coast guard vessels para magpatrolya sa West Philippine Sea ay may kaunting kaugnayan sa halalan sa 2022.
Aminado si UP-Institute for Maritime Affairs on Law of the Sea (IMLOS) Director Jay Batongbacal na maging siya ay tila nagulat din sa “radically different” na mga hakbang ngayon ng gobyerno kumpara sa nakalipas na na isa o dalawang taon nang maibaba ang 2016 Arbitral Award na napapawalang bisa sa malawakang claims ng China sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan.
Maari aniyang maraming mga nag-aasam ng mataas na posisyon sa pamahalaan ang nagpapakitang gilas sa kasalukuyan hinggil sa issue sa West Philippine Sea at China.
Bigla kasi aniyang naging maingay sa ngayon makalipas ang limang taon na pananahimik sa naturang issue.
Pero kung titingnan, mabuti na rin aniyang may improvement ang kasalukuyang administrasyon sa usapin na ito sa pamamagitan nang paggiit ng Award ng The Hague sa Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea kung ikukumpara naman sa mga nakalipas na taon.
Makikita naman aniya ito sa deployment ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessels sa West Philippine Sea para magsagawa ng maritime exercises at patrols, at para himukin ang mga Pilipinong mangingisda na mangisda sa exclusive economic zone ng bansa na walang pangamba na baka sila ay ma-harass ng China.