Sa kabila ng tatlong sunod-sunod na linggo na ngayon na merong pagbawas sa presyo sa kada litro ng produktong petrolyo, malaki pa rin ang babawiin kung pagbabasehan ang kabuuan ng pagmahal nitong taon.
Batay sa pagtaya kasi mahigit na rin sa P30 ang oil price hike sa kabuuan ng krudo at mahigit naman sa P20 ngayong taong 2022.
Una nang nagpaliwanag ang Department of Energy (DOE) na kabilang umano sa naging dahilan ng oil price rollback ay ang paghina ng kunsumo ng langis sa maraming mga bansa bunsod ng paghina ng ekonomiya at ang muli na namang pagpapatupad ng lockdown ng China sa ilan nilang mga lugar dahil sa muling paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Una nang kinumpirma ng mga oil companies ang bigtime rollback sa gasolina na P5 per liter, sa krudo ay may pagbaba sa P2 kada litro, at sa kerosina ay may rollback sa P0.70 per liter.
Batay sa naturang price adjustments ang Pilipinas Shell, Jetti oil, Sea Oil, PetroGazz, CleanFuel, PTT Philippines ay magpapatupad ng bawas presyo ngayong Martes ng alas-6:00 ng umaga.
Habang mas maaga naman ang paalala ng Caltex Philippines kung saan ang implementasyon ng kanilang fuel price decrease ay epektibo na ng alas-12:01 nitong madaling araw ng Martes.