CENTRAL MINDANAO-Kagagawan umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nangyaring pagsabog sa probinsya ng Cotabato.
Nasawi sa naturang pagsabog si Gina Paunon, 53, may asawa at residente ng Barangay Cajelo, Tulunan, North Cotabato.
Sugatan naman at patuloy na nagpapagamot sina Rodel Secur, 24; Kent Lloyd Sendero 19; Ryan Panibayo, 28; Lorester Cojo, 25; Jake Campano,19; Edwardo Odango,53; at Retchie Pedroso 32-anyos.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar, sumabog ang hindi pa matiyak na uri ng bomba sa ticketing booth at tinamaan ang isang unit ng Yellow Bus Line na may body number 2988 sa bahagi ng national highway sa Barangay Sibsib, Tulunan North Cotabato.
Agad namang dinala ang mga biktima sa SMMC Hospital sa bayan ng Tulunan, ngunit binawian ng buhay si Paunon na nagtamo ng matinding sugat sa pagsabog.
Mariin namang kinondena ni Cotabato Vice-Governor Emmylou”Lala” Taliño Mendoza at Governor Nancy Catamco ang naturang insidente.
Gayunman, napag-alaman na ang mga materyales na ginamit sa Improvised Explosive Device (IED) signature style ng BIFF.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya at militar sa nangyaring pagsabog sa bayan ng Tulunan.