KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pamamaril sa isang sundalong Muslim sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay P/Lt. Col. Sabri Lakibul, hepe ng Datu Odin Sinsuat PNP, dead on arrival sa ospital sa Cotabato City si SSgt. Miranda Lumbatan, 45-anyos, residente ng Talitay, Maguindanao at miyembro ng 38th Infantry Battalion, Philippine Army.
Sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa mosque ang biktima at pabalik na sana sa kanilang detachment sa Sitio Daywan, Barangay Tanuel ng nasabing bayan ng pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at balikat ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Samantala, naniniwala naman ang 6th Infantry Division na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pumaslang sa sundalo.
Sa ngayon, inilibing na ang nasabing sundalo sang-ayon sa tradisyong Islam.