-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy sa ngayon ang pagtugis ng militar laban sa mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na siyang itinuturong nasa likod ng panibagong pagsabog sa lalawigan ng Maguindanao.

Ito ay matapos na sumabog ang isang granada malapit sa isang simbahan sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Datu Piang at maswerte namang walang nasawi o nasugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Western Mindanao Command spokesman Major Arvin Encinas na kanila nang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang katao na tumapon ng granada at tumakas sakay ng motorsiklo.

Inaalam na rin aniya ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa naturang insidente.

Samantala, mas hinigpitan rin ang seguridad sa naturang lalawigan laban sa retaliatory attacks ng BIFF matapos ang sagupaan nila sa MILF.

Naniniwala rin ang Wesmincom spokesperson na unti-unti nang humihina ang pwersa ng BIFF dahil sa pagkakaaresto sa mga dayuhang terorista na sumsuporta dito at dahil rin sa patuloy na operasyon ng militar.