Iginiit ni US President Joe Biden na kailangan ng mamamayan ng Amerika ang tamang impormasyon may kaugnayan sa pinagmulan ng coronavirus disease na ikinamatay ng libu-libong katao sa buong mundo at maraming mga bansa ang nagdurusa.
Ito ang naging reaksyon ng pangulo ng Amerika sa inilabas na ulat ng World Health Organization (WHO) na nagsasabing ang pandemic ay nagmula sa transmission sa isang hayop patungo sa iba pang hayop hanggang napunta sa tao.
Ayon kay White House press secretary Jen Psaki, karapatan ng mamamayan ng Amerika, global community, medical experts at mga doktor na malaman ang tunay na pinagmulan ng virus lalo pa’t sila ang nangunguna sa pagsalba sa buhay ng tao, gayundin may mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay.
Ipinapanawagan ng European Union ang para sa mas mahusay na access para sa mga researchers at karagdagang pagsisiyasat.
Nauna nang sinabi ng World Health Organization (WHO) na nangangailangan pa sila ng karagdagang imbestigasyon may kaugnayan sa nag-leak na laboratoryo sa China na posibleng pinagmulan ng COVID-19. (with report from Bombo Jane Buna)