-- Advertisements --

Posibleng hindi na tumanggap ng sahod at mga allowance si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa habang patuloy itong hindi nagpapakita sa Senado, ayon kay Senate Committee on Ethics chair Sen. JV Ejercito.

Sinabi pa ni Ejercito, na tinalakay ng komite ang mga nakabinbing reklamo laban sa ilang senador sa ilalim ng kanilang first-in, first-out na sistema.

Sa gitna nito, lumutang ang usapin sa kalagayan ni Dela Rosa. Pahayag ng Committee on Ethics chair na may indikasyon na pinag-iisipan ng kampo ng senador ang boluntaryong pagsuko ng kanyang sweldo at allowances habang wala siya sa Senado.

Una na ring iminungkahi ni Ejercito na gawin ito bilang hakbang na magpakita ng pananagutan.

Hindi na humaharap sa sesyon si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na naglabas umano ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kanyang naging papel bilang dating hepe ng Philippine National Police sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

‘Wala pang opisyal na pahayag mula kay Sen. Dela Rosa hinggil sa kanyang patuloy na pag-absent sa Senado at sa isyu ng kanyang suweldo at allowances.