-- Advertisements --

Ibinulgar ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na umano’y “ghost projects” ang 5,500 flood control projects na naunang iniulat na natapos ng administrasyon.

Ayon kay Singson, matapos umano niyang libutin ang iba’t ibang bahagi ng bansa at makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal, lumabas na wala umanong aktuwal na naipatupad na ganitong bilang ng proyekto.

Matatandaang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2024 State of the Nation Address ang libo-libong flood control projects bilang bahagi ng paghahanda sa mas malalakas na pag-ulan sanhi ng La Niña.

Giit pa ni Singson, handa sana siyang maghain ng affidavit at ebidensya sa Senate Blue Ribbon Committee inquiry, ngunit hindi natuloy ang nakatakdang pagdinig.

Sinabi rin niyang nakipag-ugnayan siya kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson ngunit nabigo siyang maipresenta ang kanyang salaysay sa Senado, dahilan para kuwestyunin niya ang kawalan ng pagkakataon upang ilahad ang umano’y katotohanan. (Report by Bombo Jai)