-- Advertisements --

Muling nagpositibo sa sakit na COVID-19 si United States President Joe Biden.

Sa isang pahayag, inanunsyo ito ng pangulo at sinabing sa kabila nito ay wala naman daw siyang nararamdamang kahit anong uri ng sintomas na may kaugnayan sa nasabing virus.

Samantala, sa isang liham ay sinabi naman ng doktor ni Biden na si Dr. Kevin O’Connor na ang “rebound case” na ito ng COVID-19 ng US president ay naganap matapos siyang sumailalim sa swab testing pagkatapos siya nitong gamutin gamit ang Paxlovid.

Ngunit nilinaw niya na hanggang ngayon ay nasa maayos pa rin na kondisyon ang pangulo dahilan kung bakit hindi pa kinakailangang sumailalim siya muli sa gamutan.

Bagama’t walang sintomas na nararamdaman ay sasailalim pa rin sa mahigpit na isolation si Biden habang patuloy naman ang pagmo-monitor ng mga doktor sa kaniyang kalusugan.

Matatandaan na sa unang bahagi ng linggong ito ay sumailalim na rin si Biden sa isang five-day course na gamutan ng Paxlovid na isang antiviral na gamot para sa sintomas ng COVID-19.