-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni US President Joe Biden ang pagtanggal niya sa mga sundalo ng Amerika sa Afghanistan kaya madaling nasakop ng mga Taliban rebels ang malaking bahagi ng nabanggit na bansa.

US Forces afghanistan

Sinabi nito na mabigat pa rin sa kaniyang loob ang desisyon na tanggalin ang mga US troops subalit kinailangan niya itong gawin para mahinto na ang 20-taon na giyera.

“I am deeply saddened by the facts we now face but I do not regret my decision to end America’s warfighting in Afghanistan.”

Paglilinaw pa nito, hindi dapat itaya ng mga sundalong Amerikano ang kanilang buhay sa pakikipaglaban sa Afghanistan kung mismong ang mga Afghan forces ay hindi kayang ipaglaban ang kanilang bansa.

Sa kabila nito, habang isinasagawa ang paglilikas ng mga US nationals nagbanta si Biden na kapag kinanti sila ng mga Taliban matinding ganti ang gagawin ng Amerika.

“If they attack our personnel or disrupt our operation – the US… response will be swift and forceful,” ani Biden. “We will defend out people with devastating force if necessary.”

Samantala, noon pang bise presidente pa siya sa taong 2009 ay hindi na ito sang-ayon sa desisyon ni dating US President Barack Obama na magdagdag ng sundalo ng Amerika sa Afghanistan.

Minana lamang nito ang nasabing kasunduan sa mga Taliban sa pinalitan nitong pangulo na si Donald Trump.

Siya lamang ang pang-apat na pangulo ng US na namuno sa Amerika sa pinakamahabang giyera at ayaw daw niya na ipasa pa ito sa pang-limang pangulo.

Magugunitang nagdeklara ng panalo ang Taliban matapos na masakop nila ang malaking bahagi ng Afghanistan at ang pag-alis sa bansa ni President Ashraf Ghani.

“I will not pass this responsibility on to a fifth president,” pag-uulit pa ni Biden. “I am the president of the US, the buck stops with me.”