Gigil na bumwelta si US President Donald Trump sa kanyang karibal na si Democratic presidential candidate Joe Biden matapos ang walang tigil na pagtuligsa sa kanya nitong mga nakalipas na araw.
Sa talumpati ni Trump, nangantiyaw pa ito sa pagsasabing ang apat na araw na Democratic National Convention (DNC) ni Biden ay ang pinakamalungkot umano at pinakamadilim na convention sa kasaysayan ng politika sa Amerika.
Ayon pa kay Trump, kung pawang negatibo raw ang ipinipinta ng kalaban, positibo naman daw siya sa nakikitang “American greatness.”
Giit pa ni Trump, dapat daw iwaksi ng mga botante ang ipinapakalat na galit mula sa kampo ng mga Democrats.
“In 47 years, Joe did none of the things of which he now speaks. He will never change, just words!”
Samantala, nagpatikim naman si Vice President Mike Pence kung ano ang mga aasahan sa kanilang sariling Republican National Convention sa susunod na linggo.
Ibabandera raw nila ang mga accomplishment ng Trump administration kabilang na ang ekonomiya.
Tatapatan din daw nila ng mga bigatin na personalidad ang ginawa ng Democrats.
Sinabi pa ni Pence, tatalakayin din nila ang coronavirus response ng administrasyon.
Kung maaalala nababatikos ng husto si Trump dahil daw sa kabiguan nito na makonntrol ng kanyang administration ang pagkalat ng virus.