-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ni Vice Governor Grex Lagman ang hindi umano pagsagot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-Bicol sa imbitasyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay para sana dumalo sa isinagawang session kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lagman, nakatakada sanang talakayin kasama ang LTFRB, Bicol Inter-Agency Task Force (IATF) at iba pang concerned agency, ang pagbabalik operasyon ng mga bus sa Bicol.

Una nang nagpalabas ng resolusyon noong Disyembre 2020 ang Bicol IATF na naghahayag ng suporta sa pag-resume ng operasyon ng bus mula Metro Manila patungong Bicol at vice versa.

Subalit ang problema aniya ay hindi malaman ang kasagutan ng LTFRB sa naturang resolusyon dahil tikom ang bibig ng mga ito sa isyu.

Ayon kay Lagman, may nakapaloob kasi na guidelines sa resolusyon na mahalagang ma-endorso sa LTFRB Bicol upang mabigyan ng central office ng “go signal’ ang pagbabalik operasyon.

Tanging ang Bicol na lamang aniya ang kulelat sa pagbabalik ng bus operation kumpara sa ibang rehiyon na fully operational na. (photo from naga.gov.ph)