Iligal ang pagtayo ng isa pang pader ng pamunuan ng Bureau of Corrections sa isa pang access road sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Reservation, ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.
Sinabi ni Biazon na paglabag sa Article 694 o ang Civil Code ang pagharang sa access road.
Katulad nang pagtayo ng pader sa Insular Road sa mga nakalipas na buwan, wala rin aniyang koordinasyon sa local government ang panibagong direktiba ni BuCor Director General Gerald Bantag.
Nawalan na aniya tuloy nang access ang mga residente papasok at palabas ng Type B dahil sa pagtayo nang naturang panibagong pader.
Muling iginiit ng kongresista na nakokompromiso ang kaligtasan, seguridad, at kalusugan ng mga residenteng apektado sa mga itinatayong pader ng BuCor dahil hinaharangan nito ang daanan papasok sa Southville 3 at Type B, na pinapasukan ng mga pulis, bumbero at emergency services sa panahon na mayroong emergency.
Sinabi ni Biazon na sumulat na siya kay Justice Secretary Menardo Guevarra, at humingi na rin aniya nang paumanhin sa kanya ang kalihim dahil sa mga hakbang na ipinatutupad ng BuCor.










