Sinimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang inspeksiyon sa mga banyagang manggagawa na sangkot sa reclamation projects sa Manila Bay.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, layunin nito na maberipika kung sumusunod ang mga ito sa immigration regulations.
Ang naturang assessment ay isinasagawa ng bay service division ng ahensya sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ito ay bilang tugon sa idinulog na concerns ng mga lokal na pamahalaan sa coastal areas kaugnay sa pagbahang idinulot ng mga reclamation projects nauna ng pansamantalang pinasuspendi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. partikular ang mga reclamation activities sa Manila Bay.
Nangako din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng evaluation sa epekto ng mga proyekto sa komunidad para matiyak na isasagawa ang reclamation alinsunod sa batas.
Nilinaw naman ni BI Commissioner Tansingco na ang mga banyagang sangkot sa commercial activities sa bansa ay obligadong kumuha ng valid work visa o permit.
Iniulat din ng BI official na matagumpay na nainspeksiyon ang tatlong barko na MV Mao Hua, na mayroong 14 Chinese nationals at 8 Filipino crew members; MV Liang Long, na mayroong 17 Chinese nationals at 2 Filipino crew members; at ang MV Jun Hai 5,na mayroong 28 Chinese crew members.
Nangako ito na kanilang iprepresenta ang komprehensibong report ng kanilang findings kay Justice Secretary Crispin Remulla at ang sinumang banyaga na mapapatunayang nagtatrabaho sa bansa na walang maayos na dokumentasyon ay mahaharap sa mga parusa.