-- Advertisements --

Walang patid ang gobyerno sa pagpapadeport sa mga illegal alien sa bansa.

Kaugnay nito ay kinumpirma ng Bureau of Immigration na aabot sa kabuuang 115 foreign national ang naipadeport ng ahensya dahil sa pagiging illegal alien nito sa unang bahagi ng Hunyo ngayong taon.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, aabot sa 44 Vietnamese nationals ang kanilang naipadeport noong June 3.

Sinundan ito ng nasa 12 South Koreans, 26 na iba pang Vietnamese nationals noong June 4 at isang Malagasy national at karagdagang pang 25 na Vietnamese national noong Hunyo 6.

Batay sa datos ng ahensya, karamihan sa mga ito ay mga banyaga na naaresto matapos ang sunod-sunod na ikinasang operasyon sa mga Philippine Offshore Gaming Operators .

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang paglalansag sa lahat ng mga POGO sa bansa matapos na mapag-alamang sangkot ito sa mga kriminal na aktibidad.

Nagbabala naman si Viado sa mga banyaga na nagtatangkang pumasok ng bansa para gumawa ng ilegal na aktibidad na hindi titigil ang gobyerno sa paghahabol at paghahanap sa kanila.